Paggugunita ng isang nangungulila [short story]

Media

Part of The Carolinian

Title
Paggugunita ng isang nangungulila [short story]
Creator
Urabia, Lourdes B.
Language
Filipino
Year
1966
Rights
In Copyright - Educational Use Permitted
Fulltext
Maikling Kuwento AGH AH ATING-GABI NA. Wala na ang mga sasakyang palagiang dumaraan sa makipot na lansangang bahagi ng isang magulong siyudad. Tahimik ang ang buong paligid at tila baga hindi napapansin ng madia ang makapagpigilhiningang kagandahan ng kalikasan. Tulog na ang lahat, maliban sa isang nilikhang tahimik na nakahimlay sa kanyang hihigan. Ang liwanag na nagmula sa siwang ng kanyang durungawan ang siyang tanging nagbibigay tanglaw sa pusikit na karimlan ng kanyang silid. Walang kakurap-kurap ang kanyang mga matang nakatuon sa itaas na tila naghahanap ng malalagusan ang masalimuot niyang damdamin. Marahan siyang tumindig at tinungo ang durungawan. Dahan-dahan niya itong binuksan at buong kasiyahang minalas niya ang tanawing natambad sa kanyang paningin. Tila nakaramdam siya ng pagkainggit sa nakitang katiwasayan ng gabi. Napadako ang kanyang paningin sa nanunuksong anyo ng buwan na sa tingin niya’y tila kumakamay at nananawagan sa kanya upang muling pagbalikan ang alaala ng kanyang kahapon na pilit mang iwaksi niya sa isipan ay parang multong nagbabalik upang siya’y paalahanan sa kahalagahan nito na naging bahagi’t hibla na ng kanyang buhay. Sa di-kawasa’y unti-unting nagkahugis sa kanyang balintataw ang kanyang lumipas na batbat ng luha at pakikipagsapalaran. II Namulat siya sa gitna ng isang daigdig ng karukhaan, at sa paniniwalang ang tadhana’y sadyang malupit sa kanya. Lumaki siyang salat sa kaginhawaan at karangyaan sa buhay. Lalong naragdagan ang kanilang tinitiis nang dumating sa kanilang buhay ang isa pang mapait na dagok ng kapalaran; ang kamatayan ng kanyang ama. Subali’t ang lahat na yaon ay lalo lamang nagpapatindi sa kanyang hangaring sila’y makaahon sa karalitaan. Natapos niya ang mataas na paaralang taglay ang suliranin kung paano niya maipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral. May kung ilang gabi niyang pinaglamayan ang pagiisip ng paraang makalulutas sa suliraning bumabagabag sa kanya, hanggang sa maisipan niyang pumasok sa isang paaralang nagbibigay sa mga mahihirap ng pagkakataong makakapag-aral. Natatandaan paniya ang sinabi niya nuon sa kanyang ina’t kapatid; “Lilisanin ko ang pook na ito at hahanapin ko ang aking kapalaran. Disin sana Inay, ay ipagdasal ninyo ang aking kaligtasan.” “Bakit anak ko, hindi ka pa ba nasisiyahan na kami’y kapiling mo bagama’t naghihirap tayo?” — Tila dinig na dinig pa niya ang sagot na patanong ng kanyang ina. Isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang labi nang sagutin niya ang kanyang ina; “Inay, Kuya, batid po ninyo na mahal ko kayong dalawa na siyang dahilan ng aking pasiya. Nais kong bigyan kayo ng kasaganaan sa buhay at iyan ay matutupad lamang sa pamamagitan ng pagkakamit ng dunong kahit na yao’y mangangahulugan na tayo’y magkakahiwalay. Dapat din ninyong alalahaning ako’y di lubusang mawawala sa inyo sapagkat ako’y magbabalik sa inyong piling sa sandaling matupad ko ang aking mga ninanais." Parang nakikita pa niya ang kasiyahang nakalarawan sa mukha ng kanyang ina at kapatid tanda ng lubos na pagkakaunawa sa kanyang layunin, matapos marinig ang kanyang mga sinabi. Nakita na lamang niya ang kanyang sarili na maligaya sa bagong daigdig na kanyang natagpuan, bagama’t mahirap at ang sikap ang siyang tangi niyang kaagapay. Natatandaan pa niya ang sabi ng kanyang ina sa isa sa mga liham nito sa kanya na lalong nagpapasigasig sa kanyang damdamin; “Anak, magpapakabait ka sana at huwag mong bigyan ng sama ng loob ang mga taong pinagkakautangan mo ng iyong kasalukuyang katayuan. Sikapin mong hindi ka maging pasanin sa kanila.” Subali’t parang tinitikis siya ng vadhana; siya’y natutong umibig. Gaano mang pagpipigil ang kanyang ginawa ay hindi niya nakuhang supilin ang udyok ng kanyang damdamin. Naisip niyang ang pag-ibig ay magiging hadlang sa kanyang mga hangarin kung kaya’t napagpasiyahan niyang lisanin ang kolehiyo; at sa gitna ng luha at sama ng loob ay naisusumpa niya sa harap ng nilikhang natutuhan niyang ibigin, na tuparin ang nasambit niya sa kanyang ina’t kapatid; — ang pagbabalik sa nakatakdang panahon upang mabigyan ng katuparan ang mga pangarap nila sa isa’t isa. Malinaw pa sa pandinig niya ang sabi nitong; "Ako’y maghihintay sa iyong pagbabalik at ikaw ay papatnubayan ng aking mga dalangin. Harinawa’y di ka makalimot sa ating sumpaan.” Lumisan siyang taglay ang pag-asa at tiwala sa Poong Maykapal na siya’y tutulungan Niya sa landas na kanyang tatahakin sapagkat talos niya na ang lahat ay kanyang pakana at nararapat sundin. Upang maipagpatuloy ang kanyang pagaaral ay naisipan niyang makipagsapalaran sa siyudad ng Maynila at nang makatagpo ng paraang makatutulong sa kanya. Hindi naman siya lubusang pinagkaitan ng kapalaran sapagkat muli na namang dumulog sa kanya ang isang mabuting pagkakataong maipagpatuloy ang kanyang naantalang pag-aaral. Nasiyahan siya sa kanyang gawain at gaano na lamang ang kanyang pagpasalamat sa Panginoon. Naisip niyang wala na siyang mahihingi pa sa Kanya, maliban lamang sa pangarap na makababalik sa piling ng kanyang ina, kapatid, at sa nilikhang naging bahagi na rin ng kanyang mga pangarap. Ill Mga patak ng luhang dumadaloy sa kanyang mga pisngi ang siyang pumukaw sa kanyang malalim na pagdidili— dili. Naramdaman niya ang paninikip ng kanyang dibdib at ang matinding kirot ng pangungulila. Muli siyang sumilip at nakita niya mula sa kanyang kinaroroonan ang unti-unting pagdilim ng paligid. Malapit nang lumubog ang buwan at nakita niyang ito’y pinapaligiran na ng mga ulap. Hindi magtatagal at ito’y maglalaho na sa kanyang paningin. Sumagi sa kanyang isipan ang larawan at mukha ng buhay; ngayon ay maliwanag, bukas ay madilim, — ngayon ay mangungulimlim ng kawalang pag-asa, bukas ay bubuhayin ng ligaya’t tagumpay. Paggugunita ng Isang Nangungulila Aug.-Sept., 1966 THE CAROLINIAN Page Thirty-three