Siya'y luluha rin [short story]

Media

Part of The Carolinian

Title
Siya'y luluha rin [short story]
Language
Filipino
Year
1966
Rights
In Copyright - Educational Use Permitted
Fulltext
NAKATAYO siyang walang kibo habang nakapako ang kanyang mga mata sa pinilakang kabaong na unti-unting nawala sa kanyang paningin. Wala ni isa mang butil na luha sa kanyang inga mata nguni’t mababakas sa kanyang maputlang kaanyuan ang nag-uumapaw at walang kapantay na kalungkutan. Tuluyan nang nawala sa kanyang piling ag pinakamutya niya sa buhay — ang kanyang ina. Siya’y pinakamatalik kong kaibigan at parang kapatid ko na nguni’t sa aming matagal na pagsasama, minsan ma’y hindi ko siya nakitang lumuha kahit na sa masasaklap na mga pangyayari sa ni Lourhema kanyang buhay. Sa sandaling iyon, inaasahan ko ang kanyang pagluha dahil sa alam kong iyon ang pinakamasakit na sandali sa kanyang buhay. Nguni’t ako’y nabigo. Kaya ako’y biglang nag-aalinlangan at naitanong ko sa aking sarili: may mga tao nga kayang hindi lumuluha? Para sa akin, ang lumuha ay ang pinakamabuting lunas ng anumang nakatimping damdamin—ng lungkot, ng poot, ng ligaya, o ng pag-ibig. Kung ako’y nalulungkot, nagiging saksi ko ang panyong basang-basa ng aking luha, at kung may nakakakita man sa aki’y hindi rin ako nahihiyang lumuha. Sa pamamagitan nito’y nababawasan ang pighating aking dinaranas. Ako’y lumuluha rin sa matinding poot. Para bang ang aking luha’y tubig na pumapatay sa naglalagablab na silakbo na nangingimbabaw sa aking katauhan. Payapang-payapa ang aking sarili pagkatapos ng aking pagluha. Sa kaligayahan nama’y luha rin ang nagbibigay ng lalong matamis at lalong makahulugang sandali sa aking buhay. At gayun din sa pag-ibig. Nadarama kong ang aking luha’y parang ulan na nagbibigay-buhay, nagpapalusog sa pinakamahalagang halaman ng puso — ang pag-ibig. Ako’y isang karaniwang tao lamang na naniniwalang ang tao ay isinilang upang umibig, lumigaya, lumuha... sapagka’t ito ang kabuuan ng tunay na kahulugan ng buhay. Ang sinumang nakakatikis na hindi lumuha sa mahabang panahon kahit na sa nakalulunos na pangyayari ay karapat-dapat bigyang-puri dahil sa ito’y nangangahulugan ng di-pangkaraniwang lakas ng loob. Nguni’t ako’y hindi naninlwala na minsan ma’y di siya luluha. May isang bahagi sa kanyang buhay na siya’y walang magagawa kundi kusang lumuha. At kung ang kaibigan kong ito’y hindi pa lumuha, nadarama kong darating ang sandali na ang bakal niyang puso’y matutunaw at balang araw ay dadaloy sa kanyang mga pisngi ang mainit na luha. Malalaman din niya ang kahulugan at ang kahalagahan ng luha, ang pait at ang tamis nito. Page Thirty-four THE CAROLINIAN