Ang Paghahanap

Media

Part of The Carolinian

Title
Ang Paghahanap
Creator
Andagan, Preciosa
Language
Filipino
Year
1965
Rights
In Copyright - Educational Use Permitted
Fulltext
PANGULONG TUDLING Ang Paghahanap PRECIOSA ANDAGAN. Patnugot MAY IBA'T IBANG PANINIWALA TUNGKOL SA DIYOS. Nagkakaiba ang paniniwala tungkol sa Hanyang katauhan, kapangyarihan, pagkakawili o hindi pagkakawili sa mga nilikha at kahit ang kanyang pag-iiral ay nagkakaroon ng iba'tibang kulay ng paniniwala. Ang mga paniniwalang ito'y inilalahad sa mga aklat na nalimbag, ng mga pantas at pilosopo at sa mga magkakaibang paniniwala na rin ng mga lahi sa buong sandaigdigan. Ang magkakaibang paniniwala tungkol sa Panginoon ay siyang naghahati sa mga taong namumuhay sa mundong ito. Ito ang dahilan kung bakit hindi magkakalapit ang kanilang kalooban at nagkakaroon ng hidwaan ng mga diwa. Inaasam-asam ng iba na ang Panginoon ay magbibigay ng katiwasaya't kapayapaan sa buong sansinukob ngunit may sumasalungat pa rin sa pagsasabing ang Diyos ay naghahasik ng lagim at poot. Bakit pa magkakaroon tayo ng pagkakagulong ito? Bakit hindi natin matugunan ng katiwasaya't kapayapaan ang pagiging di-mapalagay ng sangkatauhan gayong tayong mga nilikha ay patuloy na patuloy sa pag-unlad at pagkakaroon ng makabagong pag-iisip? Maaring masabi noting ang dahilan ng ating pagkakagulo at ng hindi na­ tin mapalagay ay ang hindi pagbibigay ng Diyos ng kapayapaan nang hayagan o tahasan. Sinabi ng makatang si George Herbert, sa kanyang tulang, "The Pul­ ley" na ibinibigay raw ng Diyos ang lahat na handog maliban sa pamamahinga (rest). Kung ibibigay ng Diyos ang lahat ng kanyang handog malamang na ang mga handog na ito ang sasambahin ng mga nilikha at tuloy makalimutan na Siya. Ang bagay na hindi ipinagkakaloob Niya sa atin ay nagsisilbing tulay upang ang lahat ng mga tao'y makararating sa kanyang paanan. Ito ang magiging da­ hilan kung bakit sa tuwituwina'y hahanapin natin ang Diyos. Paniniwalaan ba natin ang kasabihang ang lahat ng makikita o magagamitan ng ating pandama ay siya lamang paniniwalaan at tuloy sasabihing bakit pa hahanapin ang Diyos gayong nabatid nang hindi Siya makita? Kung naniniwala tayong hindi natin matatagpuan ang Diyos sapagkat hindi Siya natin mahipo, masasalat, makikita, maririnig, maaamoy at malalasahan, hindi rin natin dapat paniniwalaan ang mga salitang pag-ibig, kadakilaan at katotohanan. Ang mga salitang ito'y di natin makikita ni mahihipo o sa ibang pagkakasabi'y hindi natin magagamitan ng pandama kaya hindi dapat paniniwalaan. Ang mga pagpapakita o pagpapamalas lamang nila ang ating madarama. Ang Diyos ay pag-ibig at dahil sa pag-ibig Niya sa atin Siya'y nagpapakasakit. Ang pag-ibig ay tambingan; dalawang puso at katauhan ang nasasangkot. Ang pag-ibig ay dapat tugunin ng kapwa pag-ibig upang maging makahulugan. Makatuwiran bang ang Diyos lamang ang magbibigay ng pag-ibig at tayo't mananatiling tahimik at walang laban? Maaaring tanungin natin ang ating sarili kung bakit pa Siya nagpapakasakit gayong maiibig naman Niya tayo nang hindi kailangang magpapakasakit? Ang tugon ay sapagkat ang pag-ibig ay walang kahulugan, walang bisa at hungkag kung walang pagpapakasalat at ang pagpapakasakit ay wala ring kabuluhan kung ito'y hindi ginagawa para sa isang iniibig. Pagmumuni-munihin nga natin ang mga bagay na ito ay harinawang sa ating paghahanap ay matatagpuan natin ang Diyos. Page Fifty.two THE CAROLINIAN March-April, 1965