Wikang Pilipino

Media

Part of The Carolinian

Title
Wikang Pilipino
Language
Filipino
Year
1960
Rights
In Copyright - Educational Use Permitted
Abstract
Salamisim...
Kuwento ni Teodoro A. Bay
Fulltext
ILiPINO ABI ng bisperas ng Pasko. Ang himpapawid ay napapalamutihan ng mga tugtugin at awitin. Hindi mabilang ang dami ng mga taong naglipana sa mga lansangan. Ang masasayang sigawan ng mga bata, ang walang humpay na putok ng rebentador, at ang mga halakhakang maririnig sa mga umpukan ay larawan ng kasayahan ng gabing ito. Ang mga bagay na ito, subali’t, ay hindi alintana ni Crisendo. Minabuti pa niyang palipasin ang gabing ito sa kanyang silid sa piling ni Lina at ng kanyang mga alaala. Sa pagkakaupo’y matagal na pinagmasdan ni Crisendo ang larawang nakabitin sa ulunan ng kanyang silid. Sa kanyang mga mata’y namamalisbis ang mga patak ng luhang tila baga hindi niya maapula. Ang nakalarawan ay isang babaing may likas na kagandahan. Maamo ang kanyang mga mata. Sa kanyang mga labi’y nakaguhit ang isang ngiting nagpapahiwatig ng kabaitan. Ito si Lina, ang tanging kaulayaw ni Crisendo sa kanyang silid. Si Lina ay isa nang pag-aari ng lumipas. Isang liwanag na biglang sinakmal ng dilim at pumanaw upang di na muling sumikat pa, liban sa gunita. Iyan ang dahilan kung bakit laging nais ni Crisendong papanumbalikin sa gunita ang nagdaang kahapon, naroroon si Lina at ang kanyang pagmamahal. Ang mga sandali sa piling ni Lina ay pinakamaligaya sa buhay ni Crisendo. Si Lina ay isang babaing uliran sa kabaitan at pagkamaunawain. Para sa kanya ay siya ang pinakadakilang babae sa balat ng lupa. Parang kaniya ang daigdig sa piling ni Lina. Naguumapaw sa kanyang dibdib ang kaligayahan. Wala na siyang mahihiling pa. Hindi niya inakalang sandaling ligaya lamang ang nilasap niya, hanggang sa bawiin ng Maykapal ang buhay ni Lina at naiwan siyang ulila sa daigdig. Malagim na gabi ang bisperas ng Pasko para kay Crisendo. Hindi mawawaglit sa kanyang isipan na sa gabing ito, dalawampo at lima nang taon ang nakalilipas, nagsimula ang pagkalugami ng kanyang mga pangarap. Walang hindi masaya noong gabing yaon sa kanilang tahanan, tanda pa niya. Walang patid ang pagpapatugtug ng mga tugtugin at awitin. Sa masasayang mukha ng mga panauhing nagdiriwang doon ay walang nag-akalang isang malungkot na tagpo ang nakatakdang maganap. Ipinagdiriwang noon ang unang anibersariyo ng pag-iisangdibdib nina Crisendo at Lina. Nang sumahimpapawid ang himig ng awiting Anniversary Sony ay pumagitna sa bulwagan sina Crisendo at Lina upang sumayaw. Sa kanila napabaling ang tingin ng mga panauhin at sa mga mata nila ay mababasa ang lubos na paghanga. Bagay na bagay sila. Walang maipipintas sa kanilang pakikisama sa tao. Ulirang mag-asawa, ang bukang-bibig ng kanilang mga kaibigan. —Maligaya ka ba, Lina?, ang masuyong tanong ni Crisendo. —Maligayang-maligaya, mahal ko, at ikaw? —Hindi maipahihiwatig ng salita ang kaligayahan ko, Lina. Ang masasabi ko’y kung hindi ka dumating sa aking buhay ay hindi ko matiyak kung anong kapalaran ang kasasadlakan ko. Kung lumigaya man ako’y hindi magiging kasing-ligaya ng buhay sa piling mo. —Ganyan din ang nadarama ko, Cris. Mula ngayon ay ang Anniversary Sony ang magiging awit ng ating pagmamahalan, payag ka ba? —Aba, oo, Lina, paborito ko ang awiting iyan, lalo na’t nagpapagunita sa maluwalhating araw nang tayo’y ikasal. Katulad ng isinasaad ng awit na iyan ay mabituin ang langit nang tayo’y humarap sa dambana, liban na lamang sa ilang talang kumikislap sa iyong mga mata. Hindi ba? —Cris, hindi nagbabago ang katamisan ng iyong dila. at —Hinding-hindi magbabago, sapagka’t mahal kita. —At kung hindi mo na ako mahal, magbabago na ba? —Hindi mangyayari iyon, sumpa man. —Husto na ang mga sumpa. Manumpa ka o hindi ay mahal ka sa akin at mamahalin kailan pa man. —Wala akong alinlangan, Lina—Pipisilin sana ni Crisendo ang baba ng kabiyak, nguni’t naudlot siya nang maalaalang sa kanila nakatingin ang mga panauhin. —Tayo muna sandali sa hardin at lumanghap ng sariwang hangin—ang yaya ni Lina. —Kayo po ang masusunod inyong kamahalan—ang pabirong tugon ni Crisendo. Pagkatapos matugtog ang Anniversary Sony ay humingi sila ng paumanhin at nagtungo sa hardin. Mayumigmig ang dampulay ng sariwang hangin sa mabulaklak na hardin ng kanilang tahanan. Magkahawak ang kamay silang nagpasyal sa loob ng bakuran. Sa init ng kanilang mga kamay ay nadama nilang sila’y walang kasing-ligaya. —Oh, maganda at mabituin ang langit, Cris! —Tulad noong tayo’y ikasal, Lina. Tila ipinagdiriwang ng kalangitan ang araw ng ating kasal, mahal ko... Magsasalita pa sana si Lina, datapwa’t isang batang lalaki ang naghagis ng isang paketing rebentador sa loob ng kanilang bakuran. Naghari ang nakatutulig na mga putok. Pagkatapos ng putukan ay nagsalita si Lina, subali’t ang himig ng kanyang salita’y ikinakaba ng dibdib ni Crisendo. —T-tayo na sa taas, Cris, biglang sumakit ang dibdib ko, e.............. —Bakit Lina, natulig ka marahil sa putukan, ano? —H .. .hindi, talagang masakit ang... dib... Biglang napayakap ng buong higpit si Lina sa asawa at sa ilang kisap-mata’y nawalan ng malay-tao. Dagling sinakmal ng pagkasindak ang buong katauhan ni Crisendo. Binuhat niya sa kanyang mga bisig ang lupaypay na katawan ni Lina. Naramdaman niyang hirap na hirap sa paghinga ang minamahal na kabiyak.—Diyos ko, huwag mo pong itulot na may mangyari sa kanya — ang dalanging inulit-ulit niya. Nang ilapag niya sa kama si Lina ay lalo pang nagimbal ang kanyang katauhan. May sariwang dugong dumadaloy sa dibdib ni Lina. May sugat si Lina! Hindi niya maunawaan ang nangyari.—Diyos ko, huwag mo pong itulot. ... Patakbong tinungo niya ang bulwagan upang magpatawag ng manggagamot. Nang mabatid ng mga panauhin ang nangyari ay nahawing bigla ang kasayahan sa kanilang mga mukha at itinitig kay Crisendo ang mga matang lipos ng pagkasindak. Halos lahat ay sumunod kay Crisendo patungo sa silid na kinahihigaan ni Lina. Tumambad sa kanilang paningin ang walang kulay na mukha ni Lina at ang kanyang duguang dibdib.—Huwag mo pong itulot na mapahamak siya—ang pahiwatig ng kanilang mga mata. X antisint Ilang saglit pa ay dumating ang manggagamot. Pinulsuhan niya si Lina. Sa kanya napabaling ang tingin ng lahat. Nang iiling niya ang kanyang ulo ay tila isang matulis na sibat ang tumimo sa puso ni Crisendo.—Hindi totoo ito, hindi... Hindi siya makapaniwala sa katotohanan. At dahil sa isang libo’t isang kapaitan at hapdi ng katotohanang bumungad sa kanyang mga mata ay nawalan siya ng ulirat. Walong araw ang lumipas bago nanumbalik sa dating kaisipan si Crisendo. Nang inagkamalay siya ay wala na si Lina. Tatlong araw at tatlong gabing ibinurol at pinagpuyatan ang katawan ni Lina at pagkatapos ay inilibing sa kabila ng kaalaman ni Crisendo. Anong saklap na paghihiwalay! Hindi naglaon at nabatid ni Crisendo na isang punlo ang kumitil sa buhay ni Lina. Walang nakaulinig sa putok dahilan sa putukan ng mga rebentador. Kung sino ang pumaslang kay Lina ay wala pang pinaghihinalaan. Walang nalalamang kaaway sina Lina at Crisendo. Isinumpa ni Crisendong ipaghiganti ang nasawing kabiyak. Magkahalong hinanakit at puot ang naghari sa kanyang dibdib.—Bakit kami ginanito... Wala kaming kaaway... Bakit? Oh, Lina buti pang ako ang pinatay nila. Kawawa ka mahal ko. Makagaganti rin tayo. Isinusumpa ko. Page 26 THE CAROLINIAN WIKANG FILIPINO • Isang buwan ang lumipas, samantalang nagbabasa siya sa kanyang silid:— Mr. Santos, may liham po para sa inyo—ang narinig niyang wika ng kanyang utusang si Bito. Sandaling natigilan siya sa nilalaman ng liham. Crisendo: Sinasabi ko nang hindi kayo magsasama ng matagal. Walang lagda ang liham, nguni’t parang kumislap sa kanyang balintatao ang may sulat nito. Biglang sumilakbo ang kanyang puot. Alam na niya kung sino ang may kagagawan ng pagkamatay ni Lina. —Papatayin ko siya. Roberto, papatayin kita, ngayon ding araw na ito. Ang humadlang sa akin ay papatayin ko rin. Ilang sandali pa sa tahanan ni Roberto. —Teban, naririyan ba si Roberto? —Nahihiga po marahil, Mr. Santos. Pasok po kayo. —Nais kong makausap siya tungkol sa isang mahalagang bagay. —Magaling pa po ay tumuloy kayo sa taas. Tila may karamdaman po si Mang Roberto. Dalawang araw na pong hindi lumalabas sa kanyang Si’ Roberto ang may kagagawan ng lahat nang ito—ang matibay na pawala ni Crisendo. Si Roberto, ang kanyang batang kapatid. Mula sa kanilang kamusmusan ay nagmahalan sila. Subali’t, ang pagmamahalang ito’y unti-unting lumamig nang sila’y matutuong umibig. Bakit? Iisang babae ang kanilang napusuan—si Lina. Naging masugid na magkaagaw sila sa kanyang puso. Kapwa sila tangi kay Lina, nguni’t iisa ang kanyang puso at ito’y ibinigay niya kay Crisendo. Tanda pa ni Crisendo ang mga katagang binitiwan ni Roberto pagkatapos ng kasal nila ni Lina.—Hindi mo ba ako babatiin, Belting—ang tanong niya sa kapatid. Kuwento ni TEODORO A. BAY —Hindi ako bumabati sa isang kaaway, Kuya. Malamang na hindi kayo magsasama ng matagal—ang may pagbabantang sagot ni Roberto. Hindi kayo magsasama ng matagal— ang mga katagang ito’y hindi pinansin ni Crisendo noong mga sandaling yaon. Inakala niyang yaon ay isa lamang sa mga pagbabanta ni Roberto na kalimita’y nasasambit nito kung sinusumpong ng galit o pagkamuhi. Datapwa’t nagkaroon ng kahulugan ang mga katagang ito. Tinutoo ni Roberto ang kanyang pagbabanta. Matibay ang paniniwala niya.—Isa siyang tampalasan. Isang halimaw na dapat durugin ng aking mga kamay. Roberto, hindi ko akalaing ako nga pala ang papatay sa iyo. Hindi mo ako masisisi. Ikaw ang nagbunsod sa akin upang gawin ko ito. Papatayin kita kahit ako mabilanggo, makaganti lamang ako. Kumatok siya sa pinto. Walang tumugon.—Natutulog marahil. Marahang binuksan niya ang pinto at humakbang patungo sa loob, datapwa’t napatatda siya... Isang malagim na katotohanan ang bumungad sa kanyang paningin. Nakahandusay sa sahig si Roberto at isang balaraw ang nakatarak sa kanyang likod. Sariwa pa ang dugong dumadaloy sa kanyang likod. Hindi natupad ang paghihiganti ni Crisendo, nguni’t sino kaya ang pumatay sa kanya? Lumamig na unti-unti ang nag-aapoy na puot niya sa kapatid. Nais niyang humalakhak sapagka’t wala na ang pumaslang kay Lina, nguni’t naghari ang pagkahabag niya sa kapatid. Si Roberto ay kapatid niya. Iisang dugo ang nananalaytay sa kanilang mga ugat. Ang kapatid ay kapatid. Marahang hinugot niya ang balaraw na nakatarak sa likod ng kapatid at ito’y itinaas. —Kapatid ko, ang balaraw ring ito ang ipapatay ko sa pumatay sa iyo. Dali-dali niyang nilisan ang silid ni Roberto. Hindi niya nakita si Teban. Walang sino mang naiwan sa buong bahay maliban sa bangkay ni Roberto. Nang sapitin niya ang kanyang tahanan ay dalawang salungat na puot ang muling naghari sa kanyang puso. Puot kay Roberto na pumatay kay Lina at puot sa pumatay kay Roberto na kanyang kapatid. Dinukot niya sa bulsa ang liham na natanggap niya nang umagang yaon. ...hindi kayo magsasama ng matagal—Itong-ito ang mga pagbabanta ni Roberto nang ikasal sila ni Lina. Nguni’t,—hindi sulat ni Roberto ang liham na ito—. Tanda niya ang sulat ng kapatid at tiyak niyang hindi siya ang sumulat nito. Di-kawasa.—Mr. Crisendo Santos sa ngalan ng batas ay dinarakip namin kayo sa salang pagpatay sa inyong kapatid na si Roberto Santos.—Nang ibaling niya ang kanyang paningin sa pinto ay tatlong matitipunong pulis ang kanyang nakita. —Nagkakamali kayo mga ginoo. Umalis kayo lito. Huwag ninyo akong pakialaman. Ipaghihiganti ko ang aking kaapihan. Ipaghihiganti ko si Lina at ang aking kapatid. Wala akong kasalanan. Wala...! —Sa harap na po ng hukom kayo magpaliwanag, Mr. Santos. —Humakbang ito at pinusasan si Crisendo. —Kanino ang duguang balaraw na ito?—ang usisa ng isa sa mga pulis habang binubunot ang balaraw na nakatarak sa mesa. —Iyan ang ipinangpatay kay Roberto, at iyan ang gagamitin ko sa paghihigantl—. —Malalaman kung sino ang salarin, Mr. Santos. Sa hukuman kayo magpaliwanag. Nahatulang mabilanggo habang buhay si Crisendo, sa salang pagpatay sa kanyang kapatid, isang kasalanang hindi siya ang gumanap bagama’t kanyang pinagtangkaan. Siya lamang ang nalalaman ni Teban na pumasok sa silid ni Roberto at sa kanyang kamay natagpuan ang ipinatay na balaraw. Ang mga katibayang ito ay hindi niya nasalungat upang pawalang-sala ang sarili. Halos hindi niya mabata ang kaapihang dinanas niya sa harap ng batas. Isinumpa niya sa sariling maghihiganti pa rin siya sa sandaling makalabas siya sa bilangguan. Dahilan sa mabuting ugaling ipinakita niya sa bilangguan ay pinalaya siya pagkatapos ng dalwampong taon. Taglay pa rin niya ang nasang maghiganti, subali’t wala na ang nagniningas na puot sa kanyang puso. Pinilit niyang buhayin itong muli, nguni’t sadyang hindi na pumasok sa kanyang puso ang damdaming dati-rati’y naghahari sa kanyang katauhan. Tila wala na silakas upang mapuot pa. Ang dating puot niya ay para bagang natangay na ng agos ng panahon at di na muling uukilkil pa sa kanyang isipan. Puti nang lahat ang kanyang buhok at kupis na ang dati’y matipuno niyang katawan. Kung minsan ay naiisip niyang tanging kamatayan lamang ang makapagdudulot sa kanya na tunay na kaginhawahan. Ilang araw pa lamang siyang nakalalabas sa bilangguan nang makatanggap siya ng isang liham galing kay Victor, ang matandang kapatid ni Lina, na ayon kay Bito ay namatay 11a, samantalang siya’y nasa bilangguan. Halos hindi siya makapaniwala sa nilalaman ng liham. —Diyos ko, bakit siya ang napili ng tadhana upang gumawa ng ganoon... —ang may hinanakit na bulong sa sarili. ...hindi na ako magtatagal, Crisendo. Sinamantala ko ang pagkakataong ito upang ipabatid sa iyong ako ang dahilan ng lahat mong kasawian. Oo, ako, ako ang kumitil sa buhay ni Lina. Hindi ko siya tunay na kapatid. Ampon lamang ako ng kanyang mga magulang. Dahilan sa nasa kong ako lamang ang magmana ng kayamanan ng kanyang mga magulang ay inalis ko siya saaking landas. Nagtagumpay ako, subali’t sa dakong huli’y natalastas kong hindi lamang kayamanan ang makapagpapaligaya sa tao. Ang sino mang mapag-imbot ay laging nagsisisi sa bandang huli. —Ako ang nagpapatay kay Roberto, sapagka’t nalaman niyang ako ang pumatay kay Lina. Sinulatan kita at ginamit ko ang pagbabanta ni Roberto na narinig ko, nang kayo’y ikasal ni Lina. ... hindi kayo magsasama ng matagal— Tinangka mong patayin siya, nguni’t patay na nang iyong datnan, at tulad ng aking binalak, ikaw ang naparatangang pumatay sa iyong kapatid. —Ang lahat nang nito’y nangyari dahilan sa aking kasakiman. Noong kabataan ko ay hindi ko inakalang magsisisi ako, nguni’t ako’y nagkamali. Napakabigat ng aking nagawa upang ihingi ng kapatawaran, gayon pa ma’y humihingi ako ng tawad sa iyo, Crisendo. Baka sakaling ang kapatawarang igagawad mo’y makapagpapagaan sa parusang ipapataw sa akin ng Diyos. Patawad, Crisendo, patawad. Malayang dumaloy ang sariwang luha sa mga mata ni Crisendo. Wala na siyang puot ni bahagyang pagkamuhi. Ang hapdi na lamang ng malagim na katotohanang nabuksan sa kanyang kaisipan ang naghari sa kanyang puso. —Ang Diyos na Maykapal ay nakapagpapatawad... Ako ay isa kanyang mga kinapal... Oo, Victor, pinatatawad kita. Pagpalain ka nawa ng Diyos—ang taimtim na dalanging nasambit ng kanyang mga labi. Pinahid ni Crisendo ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata. Naisubsub niya ang sarili sa paggunita sa nakaraang mga araw at hindi niya nalamang malapit na palang mag-umaga, hanggang sa tumilaok ang mga manok. —Pasko nga pala ngayon—ang nawika sa sarili. —Magsisimba ako alangalang kay Lina, kay Roberto at kay Kuya Victor. Ilang saglit pa’y tumayo siya at humakbang patungo sa bintana. Itinunghay niya ang kanyang mukha sa mabituin pang kalangitan at nadama niya sa kanyang puso ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos. Nang mga sandaling yaon ay napaglimi niyang ang paghihiganting kinimkim niya sa kanyang puso ay humantong sa pagpapatawad at ang pagmamahal niya kay Lina ay lalo pang nag-alab. Oo nga’t nabubunay sila sa dalawang magkalayo at magkaibang daigdig, nguni’t lagi niyang bubuhayin ang kanilang pagmamahalan, sa daigdig ng mga alaala. Nagsisimula nang umalingawngaw ang tunog ng mga kampana nang siya’y manaog upang sumangguni sa Diyos sa kanyang mahal na dambana. CHRISTMAS, 1960 Page 27